Illegal POGO hub sa QC, ipinasara

Tuluyan nang ipinasara ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Eastwood, Quezon City.

Ang ipinasara ay ang Great Empire Gaming and Amusement Corp., na hindi rehistrado na mag-operate ng negosyo at hindi nagbabayad ng buwis.

Ang pagsisilbi ng closure order ay pinangunahan ni BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa at Department of Finance (DOF) Assistant Secretary Tony Lambino, kasama ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD).

Ang Great Empire, ayon sa BIR ang ikalawa sa pinakamalaking POGO service operator sa bansa.

Abot sa 2,000 ang manggagawa ng POGO hub, na karamihan ay Chinese nationals.

Pagtiyak pa ng BIR na may ipapasara pa silang hindi rehistradong POGO sa Parañaque at Subic.

Ang Great Empire Gaming and Amusement Corporation ay una nang binigyan ng notice of violations ni Mayor Joy Belmonte ng walang maipakitang clearances na kailangan para sa pagnenegosyo sa lungsod, tulad ng sanitary permit, environmental clearance at occupational permits ng kanilang mga empleyado.

Ilan pa sa nakitaan ng paglabag ay ang Omniworld Enterprise Inc., Singtech Enterprise Inc., na binigyan ng 15 araw para ayusin ang kanilang requirements.