Iligal na kalakaran sa Bilibid, nagiging negosyo na para sa mga tiwaling tauhan ng BuCor

Naniniwala ang testigo sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) for sale na naging negosyo na para sa mga nangangasiwa ng New Bilibid Prisons ang diumano’y nangyayaring bayaran kapalit ng paglaya ng mga bilanggo.

Ayon kay Yolanda Camilon, bukod sa pagbabayad kapalit ng paglaya ay may iba pang mga anomalya sa loob kabilang na diyan ang pagkain para sa preso na tinitipid ng todo.

Nagbabayad rin aniya ang mga bisita ng preso ng mula P100 hanggang P200 piso sa mga guwardiya ng Bilibid para makapagpuslit ng mga bawal na gamit sa loob gaya ng cellphone at charger na ibinibigay naman sa mga inmate.

Sinabi rin ni Ginang Camilon na hindi bago ang ‘GCTA for sale’ sa Bilibid. Bago pa aniya ang pamumuno ni dating BuCor Chief Nicanor Faeldon ay mayroon nang ganitong kalakaran ngunit lumala lamang sa ilalim ng kanyang panunungkulan.

Ito’y dahil malalaking personalidad aniya ang sangkot gaya nina dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez at mga Chinese drug lords.