Ilang stranded na pasahero sa Batangas Port, namomroblema sa expiration ng kanilang swab test negative result

Nadagdagan pa ang problema ng mga stranded na pasahero sa Batangas Port dahil bukod sa walang masakyang barko ay malapit na ring mag-expire ang kanilang mga swab test negative result. 

Ito’y matapos kanselahin ng Batangas Port Authority ang byahe ng lahat ng barko patungong Oriental at Occidental Mindoro, Romblon, Antique, at Bacolod. 

Sinabi ni Jesus Escalona, isa sa 25 stranded na pasahero sa Batangas Port, 71 hours lamang ang validity ng kanyang swab test kung kaya’t problemado sya kung ano ang gagawin sakaling payagan nang makabyahe ang barko. 

Nangangamba siyang baka hindi na siya tanggapin sa Bacolod lalo pa at expire na ang kanyang swab test negative result. 

Kaya’t umaapela siya sa kanilang lokal na pamahalaan na tanggapin pa rin siya at handa naman daw siyang sumailalim sa quarantine pagdating ng Bacolod. 

Si Escalona ay nagtungo ng Maynila noong Byernes para lamang magproseso ng kanyang aplikasyon patungong Saudi Arabia. 

Sakto lamang daw ang kanyang pamasahe pauwi at hindi nya na kakayanin pa para muling gastusan ang ₱3,500 na swab test.