Ilang Senator, nagpahayag ng suporta sa pagkatalaga kay NCRPO Chief Sinas bilang bagong PNP Chief

Suportado ng ilang Senator ang pagkakatalaga ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Major General Debold Sinas, bilang bagong hepe ng pambansang pulisya.

Ayon kay dating Philippine National Police (PNP) Chief at ngayon ay Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, good choice si Sinas para sa naturang posisyon dahil sa magandang track record nito.

Aniya, dapat ipagpatuloy ng bagong PNP Chief ang internal cleansing sa PNP, at ang tagumpay na nakakamit sa anti-illegal drugs at anti-criminality campaign ng pulisya.

Sang-ayon rin si Senator Panfilo Lacson, na dati ring PNP Chief, sa pagkakatalaga kay Sinas bilang pinakamataas na pinuno ng pambansang pulisya.

Sinabi ni Lacson, na sa kabila ng ano mang kontrobersiya na kinasangkutan ni Sinas, kilala aniya nito ang bagong PNP chief bilang isang performer at mission-oriented na indibidwal, kaya naniniwala siyang mapamumunuan nito ang PNP ng maayos.

Naniniwala rin ang senator, na nagsilbi nang aral para kay Sinas ang nangyari sa maƱanita nito noon.

Samantala, umaasa naman si Senator Christopher ‘Bong’ Go, na sa magandang track record ni Sinas ay maipagpapatuloy at mapapalakas pa ng opisyal ang kampanya kontra ilegal na droga, kriminalidad, at korapsyon ng administrasyon.

Tiwala aniya si Go sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpili kay Sinas, lalo at prerogative naman ng Pangulo ang magtalaga ng mga tao na base sa kanilang mga kwalipikasyon.