Ilang senador, kinontra ang panukalang pagbuwag ng PCGG

Ilang senador ang tuwirang nagpahayag ng kanilang pagkontra sa panukalang pagbuwag ng Presidential Commission on Good Government (PCGG).

Para kay Senador Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, hindi pa umano napapanahon ang pagbuwag sa PCGG sapagkat kailangan pa ang special team na hahabol sa mga ninakaw na yaman ng bayan.

Pero aminado si Gordon na kailangang i-motivate ang mga taga-PCGG para bilisan nila ang kanilang paghahabol at bigyan sila ng timelime.

Hindi rin sang-ayon si Gordon na i-absorb ang PCGG ng Office of the Solicitor General.

Sa bahagi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, sinabi niyang tutulan niya ang panukala sa pagdidiin na mahihirapan na umano ang gobyerno na maghabol kapag wala na ang PCGG.

Kinuwestyon naman ni Senador Bam Aquino ang hakbangin tungo sa pag-abolish ng PCGG sa pahayag na ito’y maaring maging bahagi umano ng isang pakana para baguhin ang kasaysayan patungkol sa ill-gotten wealth ng pamilyang Marcos.

Ang pagkontra ng mga senador ay kanilang inihayag makaraan na pagtibayin kahapon sa Kamara sa ikatlo ang huling pagbasa ng panukalang batas na naglalayong mabuwag ang PCGG. | via Jojo Ismael