Ilang resort sa Talisay, Batangas na isinara dahil sa pag-aalburoto ng bulkang Taal, dumidiskarte na para sa kabuhayan

Gumagawa na ng paraan ang resort owners sa bayan ng Talisay sa Batangas, para maipagpatuloy ang hanapbuhay sa gitna ng pag-aalburoto ng bulkang Taal at pananalasa ng COVID-19 pandemic.

Kabilang sa mga naapektuhan ay ang may-ari ng Lago De Taal Resort na si Alvin Marasigan, na noon ay nag-aalok ng accommodation at boat rental para makatawid sa volcano island.

Nasa P2,000 ang singil ng resort sa bawat boat trip, na limang indibidwal ang kasya at karamihan ng customer ay mga banyaga.

Pero ngayong nakataas ang alert level 2 sa bulkang Taal at sarado ang mga resort, ay napilitan sina Marasigan na i-convert ang establisyimento bilang kainan.

Bukod dito, kahit paano ay dumadagdag sa kanilang kita ang paghahalaman, kung saan ang fruit-bearing trees ay ibinebenta at idine-deliver sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.

Gayunman, halos 80 porsyento ang ibinagsak ng kita sa negosyo dahil walang mga turista at limitado ang capacity ng kainan, base sa health protocols na itinakda ng national government.

Una nang inirekomenda ng PHIVOLCS ang pagbabawal sa pagsakay ng bangka patungo sa paligid ng bulkang Taal, at paninirahan malapit sa permanent danger zone dulot ng mga mapanganib na aktibidad.