Ilang opisyal ng DSWD-Region 12, kinasuhan ng plunder sa Ombudsman dahil sa overpriced family food packs

Pormal nang inireklamo ng kasong plunder at graft sa Office of the Ombudsman ang limang matataas na opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Region 12, isang kongresista at limang stockholder ng Tacurong Fitmart Inc.

Base sa 12 pahinang reklamo ni Atty. Bertine Cataluña Causing, may kinalaman ito sa umano’y over priced na pagbili ng family food packs ng DSWD na ipamimigay sa mga evacuees ng Marawi siege sa Marawi City.

Kabilang sa inireklamo ay sina DSWD Regional Director-12 Bai Zoraida Taha; Rohaifa Calandaba, DSWD-12 accountant; Jackie Lao, ang chairperson ng Bids and Awards Committee (BAC); Emerita Dizon, vice chairperson ng BAC; at Mohammad Fayez Sarip, provisional member ng BAC ng DSWD-12.

Sinabi ni Atty. Causing, pinresyuhan ng halagang P515 pesos ang bawat family food pack na binili sa winning bidder na Tacurong Fit Mart Inc. gayong ang aktuwal na presyo ay nasa P318 pesos lamang kung bibilhin sa merkado.

Sinabi pa ng abogado, kumita ng kickback na mahigit P224 million pesos ang mga nabanggit na opisyal sa pagbili ng 1.1 milyong family food packs.

Dawit din sa kaso si South Cotabato 2nd District Cong. Ferdinand Ledesma Hernandez na nag-ayos ng kontrata kay DSDW Dir. Taha para makuha ang malaking kontrata sa pagsuplay ng family food packs.

Batay sa dokumento na hawak ni Atty. Causing, mismong sa bahay ni Cong. Hernandez ginawa ang repacking ng mga food packs.

Aniya hindi lahat ng food packs ay naibigay, dahil ang iba ay nasa kanila pang pag-iingat at hindi na mapapakinabangan dahil nabubulok na.

Umapela si Causing kay Pangulong Rodrigo Duterte na aksyunan ang nabunyag na korapsyon habang pinasusupinde naman sa Ombudsman ang mga involved na opisyal habang iniimbestigahan ang kaso.   | ulat ni Rey Ferrer