Ilang MOU na may kinalaman sa defense cooperation, investment at kapakanan ng OFWs, nakatakdang lagdaan sa biyahe ng Pangulo sa Israel at Jordan 

Ilang mga agreement ang nakatakdang pagkasunduan ng pamahalaang Pilipinas at ng gobyerno ng Israel gayundin ng Jordan kaugnay ng nakatakdang official visit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na linggo.

Sa pre-departure briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Ernesto Abella na kabilang sa mga nakatakdang pirmahang kasunduan sa biyahe ng Presidente sa Israel ay may kinalaman sa labor agreement, science and agriculture, investment at two-way trade expansion.

Inaasahang mabubuksan din ang usapin sa biyahe ng Pangulo sa Israel ang tungkol sa labis na paniningil ng fee sa mga Pinoy na patungo sa nasabing bansa.

Sa kabilang dako ay kabilang naman ang kapakanan ng domestic helpers sa Jordan sa mga memorandum of understanding na lalagdaan sa pagitan ng Pilipinas at ng nabanggit na bansa.

Hindi rin mawawala ang defense cooperation gayundin ang MOU sa 2-way trade and investment ng dalawang bansa.

Ang nakatakdang pagbisita ni Pangulong Duterte sa Jordan ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas na may Presidente na tutungo doon at magaganap na sa susunod na linggo. | ulat ni Alvin Baltazar