Ilang medical frontliners, dismayado sa proseso ng pagbabakuna sa Sta. Ana Hospital

Ilang medical frontliners ang nagrereklamo hinggil sa naging sistema ng pagbabakuna sa Sta. Ana Hospital gamit ang Pfizer COVID-19 vaccines.

Nabatid na ilang mga medical frontliners ang maagang pumila pero bigo silang maisama sa listahan kahit pa nakapagparehistro na sila sa www.manilacovid19vaccine.com.

Ang iba sa kanila ay nagti-tiyaga pa rin pumila at nagbabakasakaling maisama sa listahan ng mababakunahan gamit ang Pfizer. 

Reklamo ng ilan sa kanila, hindi sila naabisuhan na tanging mga medical frontliners lamang mula sa district hospitals ang uunahing bigyan ng nasabing bakuna. 

Wala rin daw humaharap na sinumang opisyal o tauhan ng hospital para ipaliwanag sana sa kanila ang sitwasyon. 

Pero ayon kay Dr. Grace Padilla, director ng Sta. Ana Hospital, ang ibang medical frontliners na hindi mababakunahan ngayong araw ay bibigyan ng number para sa kanilang pagbabalik bukas. 

Napag-alaman na na nasa 210 doses lamang ang ituturok na bakuna ng Pfizer ngayong araw sa Sta. Ana Hospital at sa kabuuan, nasa 1,170 vials ang nakuha nila mula sa pamahalaan.