Ilang lungsod sa Metro Manila, nananatiling mataas ang ICU utilization rate

Nananatiling mataas ang Intensive Care Unit (ICU) bed utilization rate ng ilang lungsod sa NCR Plus areas, sa kabila ng patuloy na pagbaba ng COVID-19 cases sa rehiyon.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Treatment Czar Leopoldo Vega, na nasa high risk pa rin ang ICU bed utilization rate ng Makati, Muntinlupa at Rizal province.

Gayunpaman, kung kabuuang Metro Manila aniya ang pag-uusapan, bumaba na ito sa 50 percent o low risk category ang ICU bed utilization capacity.

Ayon kay Usec. Vega, nakatulong ang pagiging borderless ng Metro Manila at kalapit na mga lalawigan, upang agad na mai-refer ang mga pasyenteng nangangailangan ng intensive care service.

Malaking tulong rin aniya ang pagdaragdag ng critical care capacity, maging ang pagtatayo ng mga modular hospital sa kalakhang Maynila.