Ilang kongresista, pabor sa ginawang pagbibitiw ni SOJ Aguirre

Ikinasiya ng ilang mambabatas sa Kamara ang kumpirmasyon ni Pangulong Duterte na tuluyan nang tinanggap nito ang resignation ni Justice Secretary Vitalliano Aguirre II.

Para kay Minority Member Cong. Alfredo Garbin, isang magandang balita ito lalo pa’t sila umano mismo sa minority group ang nanguna sa panawagan na magbitiw na ang kalihim sa pwesto buhat ng sunud-sunod na kapalpakan at maling desisyon nito sa DOJ.

Sa isang panayam naman kay Akbayan Partylist Rep. Tom Villarin, ay ipinunto niya na noon pa man ay unfit na sa kanyang posisyon si Aguirre at malinaw na indikasyon nito ang kanyang performance sa DOJ, partikular umano ang pagpapaabswelto sa mga self-confessed drug lord.

Dagdag pa nito, puro yabang lang at papogi sa media ang inatupag ni Aguirre kahit na hindi naman nito nagagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin.

Para sa mambabatas, ngayong wala na ito sa pwesto, sunod namang hakbang ang panagutin siya sa mga nagawa nitong pagkakamali.

Ganito rin ang opinyon nina Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas at Rep. Emmi de Jesus. Para sa kanila, hindi dapat na maabswelto lang basta-basta si Aguirre sa incompetence at selective justice na pinairal nito sa DOJ. | via Merry Ann Bastasa