Ilang indibidwal sa San Bartolome Elementary School sa Q.C lantarang namimigay ng ‘sample ballots’

Sa Kalye Trese pa lamang ilang metro papasok sa San Bartolome Elementary School dito sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City ay naka-abang na ang ilang indibidwal na namimigay ng mga sample ballots.

Lantarang ginagawa ang pamamahagi ng mga polyetos na karamihan ay tinatanggap ng mga botanteng boboto pa lamang habang ang iba naman ay basta na lamang itong itinatapon sa paligid.

Matatandaang una nang sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na ipinagbabawal sa batas ang pamamahagi ng mga sample ballots sa mismong araw ng Barangay at SK Elections dahil maituturing itong isang uri ng pangangampanya.

Payo ng Comelec sa publiko, huwag tanggapin ang sample ballots at sa halip ay gumawa na lamang sila ng listahan o kodigo ng mga iboboto.

Ang San Bartolome Elementary School ay itinuturing na isa sa pinakamalaking polling precinct sa Novaliches.

Kaya’t sa entrada ng eskwelahan ay may malaking tarpualin ng shcool map ang ipinaskil at may itinalaga ring tauhan na siyang nagtuturo sa mga botante sa numero ng kanilang presinto kung saan sila dapat bumoto.

Kaugnay nito, isang oras makalipas nang opisyal na magsimula ang halalang pambarangay, patuloy sa pagdagsa ang mga botante at lumilitaw naman na orgnanisado at maayos ang sitwasyon ng eleksyon sa nabanggit na paaralan.

May ilang precinct clusters na kakaunti lamang ang mga bumoboto habang ang iba naman ay kailangan na munang pumila at maghintay sa kanilang pagkakataon na maka-boto.

Kapansin-pansin rin na mabilis ang proseso ng pagboto ng mga residente sa lugar na diretso nang umaalis ng paaralan pagkatapos bumoto. | via Shane Juan