Ilang foreign nationals, papayagan ng makapasok sa bansa simula May 1

Pinapayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) na makapasok sa bansa, ang mga piling foreign national simula sa May 1, 2021.

Kabilang dito ang mga diplomats, mga miyembro ng international organizations, mga banyaga na involved sa medical repatriation, foreign seafarers sa ilalim ng green lanes program, mga asawa at anak ng mga Pinoy na babiyahe kasama ng mga ito, at iba pang emergency humanitarian cases na inaprubahan ng National Task Force Against Covid-19 (NTF).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, subject sa ilang kondisyon ang pagpayag na makapasok sa bansa ang mga ito, kabilang dito ang pagkakaroon ng valid at existing visa.

Kailangan rin na nakapag-book na ng accommodation ang mga ito ng hindi bababa sa pitong gabi, para sa isasagawang quarantine measures, at COVID-19 testing sa ika-anim na araw.

Subject rin ang mga ito sa itinakdang maximum capacity ng mga inbound passenger sa mga port, at petsa ng kanilang pagpasok sa bansa.

Samantala, binigyang diin ng MalacaƱang, na umiiral pa rin ang pansamantalang travel restrictions sa mga magmumula sa India o mga may travel history sa India, sa nakalipas na 14 na araw.

Inatasan naman ang Bureau of Immigration na bumuo ng guidelines, upang matiyak ang maayos na implementasyon nito.