Ilang Build, Build, Build projects, inaprubahan ng IATF-EID na makapagpatuloy na

Labintatlong Build, Build, Build projects sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) ang naaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na maipagpatuloy na.

Ito kasabay ng unti-unting paglipat natin mula Enhanced Community Quarantine (ECQ) tungo sa General Community Quarantine (GCQ) upang makaiwas pa rin sa COVID-19 habang naibabalanse ang pangangailangan ng ekonomiya ng bansa.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DOTr Undersecretary Artemio Tuazon Jr. na karamihan sa mga proyektong ito ay ang mga railway projects.

Kabilang na dito ang MRT-3 railway replacement, LRT-2 extension at fire restoration, MRT-7, Metro Manila Subway, MRT-LRT Common Station sa North Avenue, PNR Clark 1 and 2, Subic Clark Railway, PNR Bicol at ang Mindanao Railway.

Tiniyak naman ni Tuazon na may ilalatag silang safety at health protocol para sa mga manggagawang magiging bahagi ng mga proyektong ito.

Kasama na dito ang pagsasailalim sa kanila sa COVID-19 testing, bibigyan rin aniya sila ng on-site housing at magkakaroon rin sila ng shuttle service na diretso sa mga construction site.

Pananatilihin pa rin aniya ang ilan sa mga pangunahing health protocol gaya ng social distancing, pagsusuot ng face mask at tamang hygiene at paghugugas ng kamay.