Ilang alagang baboy sa Brgy. Payatas, nakitaan na rin ng sintomas ng sakit katulad sa Brgy. Bagong Silangan

Kinumpirma ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na may mga namatay na ring baboy sa Barangay Payatas sa Quezon City.

Dahil dito pinag-aaralan na rin ng Quezon City Veterinary Office na ipatupad sa lugar ang 1-7-10 protocol matapos ang ulat na 26 na baboy na ang namatay doon.

Ibig sabihin nito, sasailalim na sa mahigpit na monitoring ang lugar na nakitaan ng sintomas ng virus na pumapatay sa mga baboy tulad sa Barangay Bagong Silangan.

May mga kinuha na ring blood sample sa mga alagang baboy sa Payatas ang City veterinarians para isailalim sa pagsusuri.

Kaugnay nito, hinimok na ng alkalde ang mga hog raisers sa Payatas na i-surrender na rin ang kanilang mga baboy na nakitaan ng panghihina.

Tulad ng mga hog raisers sa Bagong Silangan,
babayaran din ng tig-P3,000 ang bawat baboy pero hindi kasama ang mga bagong panganak na biik.

Bukod pa ito sa pangakong livelihood at scholarship program.