Ilan pang infra-projects na nagkakahalaga ng higit P60-B, inaprubahan ng NEDA 

Lusot na sa National Economic Development Authoritgy (NEDA) Investment Coordination Committee-Cabinet Committee o ICC-CabCom, ang anim na bagong mga infrastructure projects, gayundin ang isang PPP Project na itatayo sa bansa.

Sa inilabas na pahayag ng NEDA, September 27 inaprubahan ng komite ang Unsolicited Build to Operate Transfer (BOT) proposal para sa rehabilitasyon ng NAIA International Airport.

Kasabay nito, ilang bagong proyekto din ang binigyan ng go signal ng NEDA kabilang ang P14.97 bilyong pisong project para sa pagbuo ng Pasacao-Balatan Coastal Tourism Highway sa Camarines Sur, ang Proposed Aqueduct 7 sa ilalim ng Expanded Angat Water Transmission Improvement Project, at maging ang P11.46 bilyong additional funding para sa Infrastructure Preparation and Innovation Facility na popondohan gamit ang loan mula sa Asian Development Bank.

Bukod dito ay inaprubahan din ng komite ang dalawang taong extension ng validity ng World Bank loan para sa Philippine Rural Development project ng Department of Agriculture na magiging epektibo na hanggang sa taong 2023.

Kaugnay nito, ilan pang nakalinyang proyekto ang naipresenta na aniya sa ICC Technical Board habang ang ilan ay inaasahang dadaan pa sa evaluation ng ICC secretariat.