Utos ng DOLE para sa regularization ng mga manggagawa ng Jollibee, ikinalugod ni Sen. Villanueva

Ikinalugod ni Senador Joel Villanueva ang inilabas na kautusan ng Department of Labor and Employment o DOLE para sa pagri-regularize ng mga manggagawa ng Jollibee.

Subalit ayon kay Villanueva, Chairman ng Senate Labor, Employment and Human Resources Committee, siya’y kaisa sa panawagan ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawa na ang mga utos ng regularization ay gawing makabuluhan sa pamamagitan ng seryosong pagpapatupad nito at hindi hanggang sa papeles lamang.

Nabanggit din ni Villanueva na siya’y maghahain ng isang resolusyon para sa kaukulang imbestigasyon sa Endo na umano’y nagpapapatuloy na ipinatutupad ng ilang kumpanya at mga establisimiento.

Nais din malaman ng mambabatas ang monitoring capacity ng DOLE sa pagsiguro na sumusunod ang mga kinauukulang kumpanya sa utos para sa regularization.

Una rito sinabi ni Labor Undersecretary Joel Maglunsod, alinsunod sa kampanya ng gobyerno kontra sa iligal na contractualization, ipinag-utos na ni DOLE National Capital Region Director Henry John Jalbuena sa Jollibee Food Corporation na gawing regular na empleyado ang 6,482 na manggagawa na itinalaga ng dalawa nilang kontratista. | via Jojo Ismael