Ikatlong tranche ng Comprehensive Tax Reform package ng administrasyon, lusot na sa Kamara

Sa botong 224 na affirmative, pitong negative at isang abstention, inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 4664 o Real Property Valuation and Assessment Reform Act.

Layon nito, na magtakda ng iisang valuation base para sa assessment ng real property-related taxes sa bansa.

Gagawin ito sa pamamagitan ng pag-adopt sa tinatawag na Schedule of Market Values o SMV.

Saklaw din ng panukala, ang paglikha ng isang komprehensibo at na-update na electronic database para sa lahat ng mga transaksyon sa real estate sa bansa.

Ililipat rin ang pag-apruba ng mga SMV mula sa local council sa kamay ng Bureau of Local Government Finance sa ilalim ng Department of Finance (DOF).

Sa unang taon ng pagpapatupad nito, ay inaasahang kikita ng P30 bilyon mga local government unit (LGU).

Ito na ang ika-apat na tax measure sa ilalim ng Comprehensive Tax Reform package ng pamahalaan na naaprubahan sa 18th congress.

Una nang naipasa ang package 2 na Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act, Package 2+ o dagdag na sin taxes, at package 4 o Passive Income and Financial Taxes Act.