Ikalawang bahagi ng plebisito sa Mindanao, tuloy sa kabila ng mga pagpapasabog

Matutuloy sa Pebrero 6 ang ikalawang yugto ng Bangsamoro Organic Law (BOL) plebiscite sa Mindanao, sa kabila ng magkasunod na pagpapasabog sa Jolo, Sulu at Zamboanga City.

Ito ang tiniyak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kasabay ng pagbibigay diin na walang kinalaman sa BOL plebiscite ang naturang mga insidente.

Ayon sa kalihim, pawang haka-haka lang na may kinalaman sa BOL ang mga pambobomba, na kinakalat ng mga hindi pabor na mapasama ang kanilang lugar sa Bangsamoro Automous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon pa sa kalihim, malayo sa Jolo, Zamboanga at Basilan ang isasagawang plebisito kaya hindi nila nakikitang magkakaroon ng gulo.

Aniya, wala silang nakikitang problemang panseguridad sa anim na munisipyo sa Lanao Del Norte at 67 brgys. sa North Cotabato, kung saan isasagawa ang ikalawang bahagi ng plebisito. | ulat ni Leo Sarne