Ikaapat na bugso ng gov’t salary standardization law, nanganganib na hindi muna maibigay

Posibleng maunsyami ang 4th tranche ng salary standardization o panibagong bugso ng salary increase para sa mga empleyado ng pamahalaan.

Bunsod ito ng nakabitin pa ring pagpasa sa panukalang 2019 Pambansang Budget.

Kabilang sa inaasahan sanang makakabenepisyo ng panibagong salary increase ay ang mga nasa military, sibilyan at iba pang empleyado ng pamahalaan.

Bukod sa mauunsiyaming 4th tranche ng salary standardization, hindi rin mapopondohan ng pamahalaan ang mga bagong proyektong pang imprastraktura sa unang quarter ng taon sa ilalim ng reenacted budget.

Paliwanag ni Budget Secretary Benjamin Diokno, hindi kasi maaaring paglaanan ng budget sa ilalim ng reenacted budget ang kaparehong proyekto na nailinya na para sa taong ito.

Ganunpaman, may mga programa at malalaking proyekto na hindi naman maaapektuhan ng reenacted budget gaya ng pagpapatayo ng subway, Philippine National Railways, personal wages at maintenance para sa susunod na taon.

Kaya naman umaasa si Diokno na matatauhan ang mga mambabatas at maipasa ang 2019 Proposed National Budget sa pinakamaagang panahoh pagsapit ng susunod na taon.  | ulat ni Alvin Baltazar