Ika-9 na COVID-19 vaccination site, binuksan na sa Taguig

Pormal nang binuksan ng Lokal na Pamahalaan ng Taguig ang ika-siyam na COVID-19 vaccination site, na matatagpuan sa dalawang sinehan ng Venice Grand Canal Mall sa Mckinley Hill.

Sa pakikipagtulungan ng Megaworld Corporation, gagamitin ang Cinema 1 at 5 bilang vaccination hubs, na inaasahang magpapabilis sa rollout ng inoculation.

Dalawang vaccination teams ang mangangasiwa sa bawat sinehan, na kayang magbakuna ng 400 indibidwal kada araw.

Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, sapat ang suplay ng bakuna sa lungsod sa ngayon, at inaasahang may paparating pa sa susunod na buwan.

Target ng city government, na gawing katuwang ang marami pang mall at maluwag na establisyimento para sa mas ligtas at mabilis na pagbabakuna sa mga residente.

Plano rin nitong simulan sa June 1, na itaas sa 5,600 kada araw ang babakunahan kontra COVID-19, upang matapos sa December ang 650,000 eligible individuals.