Ika-50 anibersaryo ng 1971 Constitutional Convention, ginunita

Pinangunahan ni Senator Richard Gordon, ang mga aktibidad para sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng 1971 Constitutional Convention, ngayong araw sa Manila Hotel.

Kabilang sa mga highlight ng pagdiriwang, ang pagsasama-sama ng ilan sa mga delegado ng 1971 convention, at ang unveiling ng “Kombensyong Konstitusyunal ng 1971” marker.

Maglulunsad rin ng isang commemorative stamp ang Philippine Postal Corporation (Philpost), na tampok ang larawan ni dating Pangulong Diosdado Macapagal habang nanunumpa sa harap ni Gordon, ang noon ay pinakabatang delegado ng 1971 constitutional convention.

Sa araw na ito, June 1, taong 1971, 320 delegado ang nag-convene sa Manila Hotel para sa inaugural session ng 1971 Constitutional Convention.

Ang convention na ito ang itinuturing na may pinakamalawak na kinatawan para bumuo ng isang Philippine Constitution, kumpara sa Malolos Convention, 1935 Philippine Commonwealth, at ang kasalukuyang 1987 Constitution.

Ang mga delegado sa 1971 Constitutional Convention ay pinili mula sa iba’t ibang sektor ng Pilipinas, kabilang ang legal luminaries, industrialists, mga magsasaka, makakaliwa, at mga kinatawan mula sa religious groups.

Ito rin ang unang constitutional convention sa bansa, kung saan nabigyan ng pagkakataong makiisa ang mga kababaihan, katunayan, 13 babaeng delagado ang bahagi ng 1971 Constitutional Convention.

Bukod sa mga pagdiriwang ngayong araw, iba’t ibang aktibidad pa ang ilalatag sa mga susunod na buwan, gaya ng paglulunsad ng isang librong isinulat ng mga nalalabing delegado ng 1971 Constitutional Convention.