Ika-17 COVID-19 vaccination site, binuksan sa Las Piñas City

Pormal nang binuksan ng Lokal na Pamahalaan ng Las Piñas ang panibagong COVID-19 vaccination site, na inaasahang magpapabilis sa rollout ng pagbabakuna sa lungsod.

Pinangunahan ni Las Piñas City Vice Mayor April Nery, ang paglulunsad ng ika-17 vaccination site sa Village Square-Alabang.

Photo from City of Las Pinas FB page

Ayon kay City Health Office Technical Officer Dr. Juliana Gonzalez, dahil nasa loob ng mall ang inoculation process ay komportable ang mga residenteng magpapabakuna.

Sinimulan na rin ng city government ang vaccine rollout sa mga miyembro ng A4 priority group, na kinabibilangan ng essential workers, private sector employees, self-employed at informal sector workers.

Pinaalalahanan naman ng local government ang publiko, na bawal ang walk-in sa vaccination sites upang maiwasan ang gulo at makontrol ang dami ng tao.

Sa datos ng City Health Office noong nakaraang linggo, mahigit 28,000 residente na ang fully vaccinated o nakatanggap na ng dalawang doses ng bakuna.