Idineklarang holiday ceasefire ng CPP-NPA-NDF, wala raw kabuluhan – DILG

Isa umanong kalokohan at pagkukunwari ang pansamantalang ceasefire declaration ng Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA), National Democratic Front (NDF) ngayong panahon ng kapaskuhan.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, walang kabuluhan at puro propaganda lamang ang tunay na layunin nito.

Huwag na aniya nilang gamiting dahilan ang kapaskuhan sa pagkukunwari na magtitigil-putukan, gayong batid ng gobyerno na magpapalakas lang sila ng puwersa at upang ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo nito.

Tulad ng Department of National Defense (DND), hindi rin inirerekomenda ng DILG ang tigil-putukan sa CPP-NPA-NDF.

Una nang inanunsyo ng CPP Central Committee noong Biyernes ang pansamantalang tigil-putukan na magiging epektibo ng alas 12:01 ng madaling araw ng Disyembre 24 hanggang 11:59 ng gabi ng Disyembre 26, at alas 12:01 ng madaling araw ng Disyembre 31 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Enero 1, 2019.  | ulat ni Rey Ferrer