Iba’t ibang civil society groups, ginunita ang ‘Araw ng Kagitingan’ sa pagkilala sa mga natatanging indibidwal na tumitindig laban sa panggigipit; CJ Sereno, naging ‘palaban’ nang humarap sa pagtitipon

Mula dito sa Quezon City Sports Club, idinaan ng iba’t-ibang civil society groups sa paggawad ng pagkilala sa mga natatanging indibidwal na tumitindig laban sa panggigipit ang paggunita ngayong araw sa ika-76 na taong anibersaryo ng ‘Araw ng Kagitingan.’

Kabilang sa tumanggap ng pagkilalang itong si Supreme Court (SC) Chief Justice on leave Ma. Lourdes Sereno dahil sa tapang at paninindigan na depensahan ang kalayaaan ng hudikatura para mapanatili ang checks and balances sa pamahalaan.

Sa kanyang pagharap, isang palaban at matapang na Sereno ang nasaksihan nang magtalumpati ito sa okasyon.

Binigyang-diin ng punong mahistrado na sa paggunita ng makasaysayang araw na ito ay hudyat na simula na rin ang bagong yugto ng pakikibaka.

Nanindigan pa ang opisyal na patuloy siyang titindig upang magsilbing boses ng mga ordinaryong Pilipino laban sa hindi makatarungang panggigipit para maipilit ang baluktot na pamamalakad.

Iginiit pa ng on leave na Chief Justice na kanyang tutuparin ang mandato ng isang lingkod bayan at hindi magiging balakid sa kanyang layunin ang nakatakdang pagdinig ng Senado na uupong impeachment court sa kanyang impeachment case.

Aminado naman si Sereno na ikinadismaya niya ang tiyempo ng reklamong impeachment sa kasagsagan naman ng ipinatutupad na reporma sa Judiciary sa ilalim ng kanyang liderato.

Maliban kay CJ Sereno, ilan pa sa mga kilalang personalidad na dumadalo ay sina dating DSWD Secretary Judy Taguiwalo, dating Vice President Teofisto Guingona Jr., dating Cong. Neri Colmenares, dating Senador Atty. Rene Saguisag.

Samantala, ipinagdiriwang naman ng grupong Hugpong Federal ng Pilipinas ang ‘Araw ng Kagitingan’ sa pamamagitan ng pagpapakita ng suporta kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsusulong ng Pederalismo na porma ng gobyerno. | via Shane Juan