Iba’t ibang brand ng bakuna, mabisa pa rin kahit wala pang datos na malalabanan nito ang Delta variant ng COVID virus

May bisa pa rin ang mga bakuna kahit wala pang mga pag-aaral sa ilang brand na malalabanan nito ang Delta-variant.

Sa kasalukuyan, ay Pfizer at AstraZeneca pa lamang ang bakunang may data, na nagsasabing may bisa pa rin ito laban sa Delta variant.

Sa ginanap na Briefing sinabi ni Dr. Rontgene Solante, miyembro ng Vaccine Expert Panel na may iba’t ibang bakuna na magkakaiba ang bisa o efficacy, laban sa mga variants ng COVID-19.

Pero hindi aniya ibig sabihin na kung hindi mataas ang bisa, ay hindi na dapat magpabakuna.

Binigyang diin din ni Dr. Solante na kung hindi magpabakuna, mas magiging mabilis ang hawaan, kaya magiging mataas ang mga kaso at mas mahirap ding maaabot ang population protection.

Tiniyak din ni Dr. Solante na kahit pa maantala ang 2nd dose, ay hindi ito makaaapekto sa efficacy ng bakuna, at mahalaga pa rin na ituloy ang 2nd dose.

Sa ilang araw ay naantala ang pagbabakuna sa ilang lunsod sa Kamaynilaan, dahil hinihintay pa ang Certificate of Analysis para sa hawak nilang Sinovac.