Iba pang politiko na tumulong sa grupong pumatay kay Rep. Batocabe, tinitignan ng PNP

Tinitignan ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na may iba pang politiko na tumulong sa grupong responsable sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe at sa security escort nitong si SPO2 Orlando Diaz.

Ayon kay Albayalde, ito ang dahilan kung bakit hindi pa “case closed” ang kaso ni Batocabe sa kabila ng pagtukoy sa pitong primary suspects sa kaso, kabilang ang umano’y mastermind na si Daraga Mayor Carlwyn Baldo.

Bineberipika pa ng PNP ang report na may politiko sa Masbate na kumuha umano sa uzi na ginamit ng isa sa mga suspek.

Malaking kwestyon aniya, kung bakit ilang ulit nagtungo sa Masbate ang ilan sa mga suspek.

Kinumpirma ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Superintendent Amador Corpus, na nagbakasyon sa Masbate ang gunmen matapos unang mapag-usapan ang plano sa paglikida kay Batocabe.

Ayon pa kay Corpuz, iniimbestigahan din ng Special Investigation Task group ang isang indibidwal na umano’y nagbigay ng pera at tumulong sa pagtakas ng mga suspek nang mag-withdraw sila sa Camalig town matapos na maisakatuparan ang krimen. | ulat ni Leo Sarne