IATF, inaprubahan ang pagbubukas ng 46th season ng PBA

Muling masasaksihan ng mga taga subaybay ng Philippine Basketball Association (PBA), ang kanilang mga paboritong manlalaro at koponan kahit man lamang sa telebisyon.

Ito ay matapos na aprubahan at bigyan ng go signal Inter Agency Task Force (IATF) ang PBA, para simulan na ang pagbubukas ng kanilang 46th season.

Sa gitna nito ay binigyang diin ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na kailangang mahigpit na sundin ng PBA ang health at safety protocols, sa ilalim ng guidelines na itinatakda ng Games and Amusement Board.

Samantala, pinayagan na din ng IATF ang hiling ng Philippine National Volleyball Federation, na mag-host ng 21st Asian Seniors Women’s Volleyball Championship.

Sa kabilang dako, ay aprubado din ng task force ang request ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, na makapagsagawa ng Bike for Peace and Justice, sa kondisyong gagawin lamang ito sa mga area na nasa ilalim ng  modified general community quarantine (MGCQ) at GCQ.