IATF, binati ang San Juan LGU sa pagbabakuna ng higit 70% population nito

Bumilib ang mga opisyal ng Inter-Agency Task Force (IATF) at National Task Force Against Covid-19 sa San Juan City Local Government, matapos matagumpay mabakunahan ng 1st dose ang higit 70 percent ng populasyon sa lungsod.

Ayon kay NTF Deputy Chief Implementer Vince Dizon, hindi biro ang nakamit ng local government na makapagbakuna ng higit 96,000 na mga residente, sa loob lang ng apat na buwan.

Binati rin ni Health Secretary Francisco Duque III ang local government, dahil sa pagsisikap na masupil ang COVID-19 sa siyudad.

Para naman kay Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, ang mabilis na vaccine rollout sa lungsod ang nakatulong upang magtuloy-tuloy din ang pagbangon ng local economy sa lungsod, na kita na rin sa pagbubukas ng mas maraming tiangge sa Greenhills Shopping Mall.

Gayunman, hamon ng mga ito sa Lokal na Pamahalaan ng San Juan, kumpletuhin ang second dose sa lahat ng nabakunahan na.

Mula kase sa 96,000 na naturukan ng unang dose, nasa halos 30 percent pa lamang o 29,000 ang fully vaccinated na.

Tinanggap naman ni Mayor Zamora ang hamon, na sinabing sisikapin na mabakunahan hindi lang ang 70 percent, kung hindi ang lahat ng mga kwalipikadong residente at manggagawa na nagtatrabaho sa lungsod.