IAS Desks, balak itayo sa bawat police station

Iminungkahi ni Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) Inspector General Alfegar Triambulo ang paglalagay ng IAS Desks sa bawat istasyon ng pulis.

Sa ganitong paraan aniya ay mas mababantayan nila kung tumutupad sa mga alituntunin ang mga pulis at mas mabilis din nilang matatanggap ang mga reklamo ng publiko sa mga pulis.

Ang hakbang ay bahagi ng pagpapalakas sa IAS, sa layong mas epektibong maipatupad ang internal cleansing program ng PNP.

Iminungkahi din ni Triambulo, na pawang mga sibilyan at hindi na mga pulis ang maging miyembro ng IAS upang maiwasan ang pang-iimpluwensiya kung kapwa pulis ang mag-iimbestiga sa kasamahan nilang pulis.

Maganda rin aniya kung katulad sa ibang bansa, ay may kapangyarihan ang IAS na alisin sa pwesto ang PNP chief, na hindi maari sa kasalukuyang sistema dahil ang PNP-IAS ay nasa ilalim ng tanggapan ng PNP Chief.

Kaya aniya suportado ng IAS ang isinusulong na panukala sa kongreso na alisin na ang IAS sa PNP at ilipat sa Department of the Interior and Local Government (DILG), kasama ang National Police Commission (Napolcom).