Huwag pagsabayin ang pagbabawal sa EDSA ng provincial buses at single passenger vehicles – Sen. Poe

Iginiit ni Senador Grace Poe sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na huwag pagsabayin ang pagbabawal sa EDSA ng mga pampasaherong bus at single passenger vehicles.

Ayon kay Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, unahin na lang muna ng MMDA ang pagbabawal sa provincial buses at subukin kung sasapat ito para mapaluwag ang EDSA.

Maaari aniyang maganda ang pakay ng MMDA sa pagbabawal ng single passenger vehicles pero maraming mepeperwisyo

May mga katwiran naman aniya ang mga nagsosolo sa byahe.

Maaring solo parent ang biyahero, maaari ring nagbaba ng anak sa eskwela, maaring naghahatiran ang mag-asawa dahil sa magkaibang syudad nagtatrabaho o maaring young professionals na hindi kayang kumuha ng driver.

Ayon sa senador, naipagbawal sa ibang bansa ang mga single occupant vehicles pero sa isang lane lang at may bahagi ng lansangan na malinis mula sa illegal parking at may koordinasyon sa mga traffic enforcer at local government units.

Umaasa si Poe na magiging tapat ang MMDA, na kapag nakita sa isang linggong ‘dry run’ na hindi epektibo ang ban sa single-passenger vehicle at maraming mapeperwisyo, ay hindi na ito ipatutupad.   | ulat ni Jojo Ismael