Huwag abusuhin ang pagiging opisyal ng gobyerno – Sen. Tito Sotto kay ACTS-OFW Rep. John Bertiz

Sana pag-ingatan ng mga opisyal ng gobyerno ang kanilang katayuan at huwag abusuhin.

Ito ang naging tugon ni Senate President Tito Sotto sa nag-viral na video ni ACTS-OFW Rep. John Bertiz dahil sa inasta nito sa Airport Security.

Ayon kay Sotto, nakakahiya sa taumbayan na abusuhin ang posisyon sa gobyerno at mayabang agad umano ang magiging tingin dito.

Ayon pa kay Sotto, sinisiguro niya na sundin ang mga patakaran sa lahat ng mga paliparan. Sa katunayan, maaaring tanungin ang mga immigration officer kung tumatanggi siya kapag pinapauna na sa pila.

Nag-aalis din daw siya ng sapatos, pati suot na sinturon at jacket. Dapat na maging attitude, giit ng mambabatas, na silang mga public official ang alila at ang boss ang taong-bayan.

Maaalalang inulan ng batikos si Bertiz matapos kumalat sa social media ang video, kung saan makikita siya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na tila pinagagalitan ang isang tauhan doon, at pagkatapos ay hinablot ang ID nito.

Ang insidente ay naganap sa security check area kung saan pinag-aalis ng sapatos ang mga pasahero. | ulat ni Ched Oliva