Hustisya para sa pinatay na guro sa Pio Duran Albay, hiniling

Hiniling ni  Department of Education (DepEd) Bicol Regional Director Gilbert Sadsad ang agarang hustisya sa pagpatay sa guro ng Oringon Elementary School sa Pio Duran Albay, na si Mulene Durante y Veras, 23 taong gulang, may asawa at nakatira sa Polangui, Albay.

Pinasok ng hindi pa nakikilalang suspek ang guro habang natutulog sa principal’s office kasama ang dalawang grade six pupils.

Nagtamo ng maraming saksak ang guro sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan na nagresulta sa kanyang pagkamatay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) Pio Duran,  maaaring panggagahasa ang motibo nito dahil walang gamit na nawala sa biktima, at nakitaan ng resulta ng panlalaban ang bangkay ng biktima, na isasailalim pa sa otopsiya.

Samantala, ang dalawang grade 6 pupils ay nagtamo din ng saksak sa katawan at nakapagtago sa kabilang kwarto, sila ay isinugod sa Pio Duran Memorial District Hospital.

Umapela ang Pio Duran PNP at PRO5 PIO Maria Luisa Calubaquib, sa kung sino man ang may alam sa nangyaring krimen ay tumulong sa otoridad para mabigyang hustisya ang mga biktima at pamilya nito. | ulat ni Nancy Mediavillo