Humanitarian and disaster relief operations, inilunsad ng NOLCOM sa mga lugar na sinalanta ng bagyo

Sinimulan na ngayong araw ng Northern Luzon Command (NOLCOM) ang kanilang Humanitarian at Disaster Response Operations sa mga lugar sa hilaga at gitnang Luzon, na sinalanta ng bagyong Rosita.

Iniulat ni Major Ericson Bulusan, Acting Public Information Officer Chief ng NOLCOM, na ang mga lalawigan ng Ifugao, Nueva Vizcaya, Benguet, Mountain Province, Ilocos Sur, Pangasinan at La Union, na sakop ng area of responsibility ng NOLCOM ang mga pangunahing napinsala ng nagdaang bagyo.

Kasalukuyan nakikipag-ugnayan ang NOLCOM Disaster Response Task Units (DRTU) na nakaposisiyon sa mga lugar na ito, sa local DRRMCs at Local Government Units (LGUs), para maghatid ng tulong sa mga apektadong residente.

Ayon kay Bulusan, ang ipinatupad na sistema ng NOLCOM noong bagyong Ompong ay aktibo parin, at siya ring ipatutupad sa pagtugon sa bagyong Rosita.

Tiniyak ni Bulusan na ang NOLCOM ay pro-active at laging handa para umalalay sa mga mamayan sa panahon ng mga kalamidad. | ulat ni Leo Sarne