Human rights group, posibleng nagagamit ng mga drug lord para sirain ang war on drugs campaign ng administrasyon

Posibleng nagagamit ng mga drug lords ang human rights group para kalabanin ang kampanya kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte.

Ito ang pahayag ng MalacaƱang sa harap na rin ng pagpapaigting ng ilang grupo na tuligsain ang war on drugs ng gobyerno.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, bilyon-bilyong piso na ang nawawala sa negosyo ng mga drug lords dahil sa pagsuko ng higit isang milyong drug users, pagkakaaresto ng libo-libong drug pusher at pagkakasabat ng bilyon-bilyong pisong halaga ng iligal na droga.

At para maipagpatuloy ang kanilang naluluging negosyo, madali lang para sa mga drug lord na gamitin ang kanilang drug money para pondohan ang destabilisasyon sa administrasyong Duterte.

Siniguro naman ni Roque na patuloy na maninindigan at ipagpapatuloy ng administrasyong Duterte ang kampanya nito kontra-iligal na droga, kriminalidad at katiwalian. | via Nimfa Asuncion