Huling SWS survey tungkol sa net trust rating ni Pangulong Duterte, welcome sa Palasyo

Welcome sa Palasyo ang pinakahuling survey na inilabas ng Social Weather Station o SWS na kung saan, 10 puntos ang ibinaba ng net trusting rating ni Pangulong Rodrigo Duterte.
 
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, nananatili pa ring mataas kung tutuusin ang +65 net trust rating na nasa kategorya pa ring ‘Very Good’.
 
Napanatili ani Roque ng Pangulo ang pagiging ‘excellent’ nito partikular sa Visayas at Mindanao na kilalang balwarte ng Presidente.
 
‘Very Good’ pa rin naman ang Chief Executive dito sa Metro Manila at sa Luzon area.
 
Kaugnay nito’y pinasalamatan ng Palasyo ang publiko dahil sa patuloy na tiwalang ipinagkakaloob nito kay Pangulong Duterte sa kabila ng kaliwa’t-kanang bira ng kanyang mga kritiko. | via Alvin Baltazar