Huling araw ng community pantry ng isang kolehiyo sa Intramuros, dinagsa

Dinagsa ng publiko ang huling araw ng community pantry ng Letran College of Manila sa Intramuros, Manila.

Kabilang sa mga nagtungo rito ay mga residente sa loob at labas ng Intramuros, gayundin ang mga taga Brgy. 654, Zone-69.

Kabilang sa mga ipinamigay dito ay bigas, delata, noodles, gulay, kape, at tubig, na kanilang sinimulan ng alas-8 ng umaga at makalipas ang halos isang oras ay agad itong natapos.

Ayon sa ilang mga coordinator, sinimulan nila ang community pantry noong April 20, 2021, kung saan napagdesisyunan nila na ito na ang huling araw dahil paubos na ang kanilang suplay.

Bukod dito, hindi na rin daw sapat ang mga donasyon na kanilang natatanggap para ipamahagi sa mga kapus-palad na residente.

Nabatid na ang mga donasyon na kanilang natatanggap ay mula sa mga alumni, empleyado, estudyante, at mga taga-auporta ng Letran.

Para naman masiguro na masusunod ang health protocols kontra COVID-19, nakipagtulungan ang Letran sa mga opisyal at tanod ng Brgy. 654, zone-69 sa pangunguna ni Chairperson Salvador Fuentes.