Hugpong ng Pagbabago, umaasang kikilalanin ng Comelec bilang partido

DAVAO CITY – Umaasa si Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio na kikilalanin ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang petisyon sa pagbuo ng partidong Hugpong ng Pagbabago (HnP) o Alliance for Change.

Sinaksihan mismo ni Mayor Inday kasama ang ilang miyembro at abogado ang pagdinig sa Comelec First Division upang pag-usapan ang kanilang petition for registration bilang regional political party sa Davao region.

Sa isinagawang closed-door hearing, pinayuhan ni Comelec Commissioners Al Parreño at Rowena Guanzon ang partido na magsumite ng memorandum sa aplikasyon ng HnP sa loob ng limang araw.

Una ng sinabi ni Mayor Sara na nabuo ang political party para sa seguridad at kaunlaran sa lungsod ng Davao at maipagpatuloy ang mga hangaring pagpapatibay sa rehiyon, seguridad ng mga tao, magandang serbisyo ng pamahalaan at epektibong liderato. | ulat ni Shiela Lisondra