House Transportation Committee, nagpatawag ng emergency meeting sa transport sector ngayong araw 

Nagpatawag ng isang emergency meeting ngayong araw si House Transportation Committee Chair at Samar Representative Edgar Mary Sarmiento hinggil sa nararanasang “transport crisis.”

Kasunod ito ng limitadong operasyon ng LRT 2 at mabigat na daloy ng trapiko bunsod ng konstruksyon sa South Luzon Expressway (SLEX).

Ayon kay Sarmiento, nasa 200,000 pasahero ang maaapektuhan ng siyam na buwang tigil-operasyon ng LRT2 para ayusin ang Santolan-Anonas segment nito matapos masunog.

Nanawagan din ang kongresista na maglatag ng kongkreto at agarang solusyon at magtulungan na lamang upang masolusyunan ang problema sa trapiko lalo’t holiday season na.

Kabilang sa mga inimbitahan para sa pulong ay ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Light Railway Transit Authority (LRTA), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Public Works and Highways (DPWH), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), Light Rail Manila Corporation, SLEX at mga city bus operators.

Inaasahan na ilalatag ng mga ahensya ang kani-kanilang traffic management plan sa isasagawang pulong.