House Tax Chief, di pabor sa pagbebenta ng gov’t asset na pang dagdag sa COVID response fund

Malamig si House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, sa pagbebenta ng asset ng gobyerno bilang dagdag na COVID-19 response fund.

Kung matatandaan sa nakaraang Talk to The Nation ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay sinabi nito na kanyang pinag-iisipan ang pagbebenta at pagsasapribado ng ilang government assets, para pandagdag na pondo sa pagtugon sa COVID-19.

Sinuportahan naman ito ng mga Senator, at humingi pa ng inventory mula sa Department of Finance (DOF) ng mga asset na maaaring i-dispose.

Pero paliwanag ni Salceda, kahit magbenta ng mga asset ay hindi ito sasapat dahil mababa ang value nito sa kasalukuyang panahon at sitwasyon.

Kung pagbabasehan din ang rough estimate ng mga property expert, mababa lamang ang malilikom dito kumpara sa direktang pangungutang.

Bukod dito, mas malaking revenue aniya ang makukuha ng pamahalaan kung aaprubahan na ng Senado ang POGO at e-sabong tax bills, at reporma sa Government-Owned and Control Corporation (GOCC) dividends law.

“But this environment is not the best time to sell government assets. We will be doing so at a discount. The Senate will raise more revenues by just approving the POGO and e-sabong tax bills we in the House sent them, and pursuing a reform of the GOCC dividends’ law that the House suggested, so the national government can obtain more remittances from government corporations.” saad ni Salceda.

Naniniwala naman si Deputy Speaker Rufus Rodriguez, na dapat ay last resort na ng pamahalaan ang pagbebenta sa assets nito.