House Speaker Alan Peter Cayetano, tiniyak kay Pangulong Duterte na ligal ang ginawang hakbang ng Kamara sa pagpapasa ng 2021 General Appropriations Bill sa ikalawang pag-basa

Tutugon ang Kamara sa panawagan ni Pangulong Duterte na tigilan na ang politika upang hindi maisakripisyo ang kapakanan ng mga Pilipino.
 
Ito ang pagtitiyak ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa babala ng Punong Ehekutibo na kung hindi aayusin ng Kamara ang gusot sa budget ay siya na mismo ang mag-aayos nito.
 
Humingi rin ng paumanhin si Cayetano sa Pangulo at sa sambayanan sa pangamba at alinlangang idinulot ng mga kaganapan sa Mababang Kapulungan.
 
Dagdag pagsisiguro pa nito sa Pangulo na ligal at constitutional ang kanilang ginawang hakbang sa pag-apruba ng 2021 General Appropriations Bill sa ikalawang pagbasa gayundin ang pagbuo ng small committee na siyang tatanggap ng mga amyenda.
 
Kinumpirma din nito na sa November 5 ay isusumite na nila sa Senado ang printed budget upang makapagsimula sa kanilang mga pag-dinig.
 
November 16 naman nila ito aaprubahan sa 3rd reading at siyang formal transmittal din ng pambansang pondo sa Senado.
 
“We take the President’s stern admonition to heart, and we assure the public that we share his concern for the welfare of our people. Thank you Mr. President, Congress can now continue to deliberate on the budget without the specter of politics and intrigue hounding us.” diin ni Cayetano.