House minority, suportado ang imbestigasyon sa mga anomalya sa textbooks ng DepEd

Suportado ng minorya sa Kamara ang panawagan na imbestigahan ang umano’y mga anomalya sa textbooks ng Department of Education (DepEd).

Kasunod ito ng Commission on Audit (COA) report na tatlong milyong textbooks, o katumbas ng P11 million ang hindi nagamit, habang P254 million naman na Grade 3 learning materials ang maraming errors o maling impormasyon.

Ayon kay House Minority Leader at Manila 6th District Representative Bienvenido Abante, nais nilang alamin ang proseso ng procurement ng mga learning material, upang masolusyunan na ang problema.

Aniya, hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong problema ang DepEd sa kanilang mga libro.

Ayon naman kay Kalinga Partylist Representative Irene Saulog, na isa ring guro, kailangan itong masolusyunan, dahil bukod sa mga estudyante, dagdag pasanin din ito para sa mga guro.

Wala pa namang itinakdang araw kung kailan isasagawa ang House inquiry.

Sa panig naman ng DepEd, bukas sila sa hakbang na ito ng mga opisyal at nangako na makikipagtulungan sa imbestigasyon.