House leaders, patuloy na nagpapaabot ng pakikiramay sa pagkamatay ni former President Noynoy Aquino

Ilan pang lider ng Kamara ang nagpaabot ng pakikidalamhati sa pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Si Deputy Speaker at Bro. Eddie Villanueva, inilarawan si PNoy bilang “great public servant”. Ayon kay Villanueva, nawalan ngayon ng isang “great leader” ang bansa na naging inspirasyon para tahakin ng bansa ang daang matuwid.

Kinilala naman ni Deputy Speaker at Biñan Representative Marlyn Alonte ang pagsisilbi ni PNoy na may “passion” at “highest standard” ng integridad.

Nagpasalamat naman si Deputy Speaker at Antique Representative Loren Legarda sa suporta ng dating Presidente sa mga panukala para sa public health, good governance, poverty alleviation, at women empowerment.

Hiniling naman ni dating Speaker at Taguig-Pateros Representative Alan Peter Cayetano sa mga Pilipino na patuloy na ipanalangin ang pamilyang Aquino sa pagpanaw ng kanilang kapamilya.

Bagamat may pagkakaiba ng paniniwala at opinyon, batid ni Cayetano na nais lamang ni PNoy ang ikabubuti ng bansa.

Nataon naman kahapon June 24, kung kailan pumanaw si PNoy ay ika-18 death anniversary naman ng ama ni Cayetano na si dating Senator Renato Cayetano.