House Committee on Transportation, pabor sa pag-review ng PCC sa merger ng Grab at Uber; mga taxi, hinimok na tapatan ang serbisyo ng TNCs

Nagpahayag ng suporta ang House Committee on Transportation sa hakbang ng Philippine Competition Commission (PCC), na siyasatin ang pormal na acquisition ng transport network company (TNC) na Grab sa dati nitong kakompetensya na Uber.

Para sa komite, isa sa mga dapat na bantayan ng PCC ay kung magdudulot ba ng taas pasahe, at palpak na serbisyo sa mga mananakay ang naturang merger deal, at kung makakaapekto ito sa mga kumpanyang nais na makipagkompetensya sa Grab.

Sa kabila naman ng usapin na ito, pangunahing prayoridad pa rin umano ng gobyerno ang mga hinaing ng mga commuters pagdating sa pampublikong transportasyon.

Habang wala pang ibang TNC player ang tatapat sa Grab, hinimok ng komite ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na siguruhing ang mga pampasaherong taxi ay iaangat ang kanilang serbisyo upang mas maraming riding public ang sumuporta dito.

Sa huli, umaasa ang house committee on transportation na makukumpleto na ang route rationalization na makatutulong upang maibsan ang transportation at traffic crisis sa bansa. | via Merry Ann Bastasa