House Committee on Rules, aantayin ang final ruling ng SC sa quo warranto bago aksyunan ang impeachment report kay CJ Sereno sa Kamara

Hindi muna aaksyunan ng House Committee on Rules ang nakabinbing impeachment report laban kay CJ Sereno sa Kamara, yan ang inihayag ni House Majority Leader Rudy Farinas.

Nakatakda sanang talakayin na ng komite ngayong araw ang magiging hakbang nito sa isinumiteng report at art files of impeachment ng House Justice committee ngunit paliwanag ni Farinas, dahil sa naging desisyon ng SC sa quo warranto ay nagpasya siyang antayin muna ang magiging final ruling nito bilang respeto rin aniya sa Judiciary na coequal branch ng Kongreso.

Dagdag pa ni Farinas, mayroon pa hanggang Hulyo ang komite para aksyunan ito dahil sa ilalim ng House rules, may walong session days pa sila bago isalang sa calendar of business ng plenaryo ang naturang usapin.

Isa sa mga opsyon na posibleng mangyari oras na hindi na katigan ng SC ang ihahaing motion for reconsideration ni Sereno ay mauwi na sa dismissal ang impeachment report na isasakatuparan sa pamamagitan ng nominal voting sa Kamara.

Sa ulat naman na itinutulak ng ilang senador ang agad na transmittal ng impeachment case sa Senado, nirerespeto umano ito ni Farinas pero giit nito, ang kapangyarihan pa rin na mag-impeach ay nasa poder lang ng Kamara, kaya naman kung walang mai-impeach sa Kamara ay walang dahilan para mag-convene bilang impeachment court ang Senado.