House Committee on Justice, isinusulong ang pagrebisa sa IRR ng GCTA Law

Ipinanawagan ng ilang kongresista na muling pag-aralan hindi lamang ang mismong Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law, kundi maging ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito.

Ayon kina Representative Lawrence Fortun and Representative Alfredo Garbin Jr., nagkaroon ng problema sa pagpapatupad nito dahil sa magkakaibang interpretasyon sa batas.

Bukod dito hindi rin daw nakaayon ang nilagdaang IRR at Manual sa itinatakda ng batas.

Malinaw anila na base sa Section 1 ng GCTA law, hindi kasama sa makikinabang ang mga inmates na convicted ng heinous crimes.

Ngunit hindi ito explicit o tahasang makikita sa IRR at Manual.

Bukod dito, napagdiskusyunan din kung prospective o retroactive ba ang effectivity ng batas.

Base kasi sa IRR, prospective ito, ngunit nito lamang June 25, ay nagbaba ng desisyon ang Supreme Court na dapat ay retroactive ang effectivity ng batas.

Ayon kay Justice Undersecretary Deo Marco, ang mga loopholes na ito ang dahilan kung bakit pansamantalang pinasuspinde ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang implimentasyon ng GCTA.

Bumuo na rin aniya ng isang technical working group ang DOJ at DILG upang maplantsa at malinaw ang ano mang gusto sa interpretasyon ng batas, IRR at manual na sinusunod ng Bureau of Corrections (BuCor).

Ilan pa sa mga nais isama ng mga mambabatas sa review ng GCTA ay ang pagkakaroon ng iisang depenisyon heinous crimes at ang posibilidad ng pag-alis sa recidivist at habitual delinquent sa mga convicts na hindi maaaring makinabang sa GCTA.