House Committee on Energy, paiimbestigahan ang NGCP

Nagbanta ang House Committee on Energy na babawiin ang franchise ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) matapos mapag-alaman ang bigong pagpapatupad nito ng initial public offering o IPO sang-ayon sa batas.

Ito ang lumabas sa isinagawang committee meeting kahapon hinggil sa lagay ng electricity market at power transmission sa bansa.

Ayon kay PBA partylist Representative Jericho Nograles, vice chairperson ng komite, sa ilalim ng Electric Power Reform Act of 2001 obligado ang NGCP na ipatupad ang IPO sa loob ng sampung taon simula ng operasyon nito ngunit bigo ang ahensya.

Bukod pa ito sa nadiskubre nilang mataas na dividends ng NGCP na umaabot ng ₱16 billion hanggang ₱18 billion pero napakababa naman ng tax remittance.

Dahil dito, naghain ng mosyon ang komite na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa isyu.

Muli rin nilang ipinatawag ang mga opisyal ng NGCP na bigong makarating sa isinagawang committee meeting kahapon.