House Committee on Agriculture and Food: Hindi na mave-veto ang bagong Coco Levy Fund Bill

Sisiguruhin ng Kamara na mapakikinabangan na ng mga magni-niyog ang coco levy fund sa pamamagitan ng pagpasa sa bagong Coco Levy Fund Bill.

Kung matatandaan, Pebrero ngayong taon ay naipasa ng kongreso ang panukalang batas na bubuo sa ₱100-billion trust fund para sa benepisyo ng mga coconut farmer, pero na-veto ng Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kakulangan ng safeguards  at maaaring paglabag sa Saligang Batas.

Ayon kay AAMBIS-OWA Partylist Representative Sharon Garin, chairperson ng binuong Technical Working group (TWG), titiyakin nilang ang magiging pinal na bersyon ng panukala mula sa labing anim na proposed bill ay hindi na mave-veto pang muli ng Pangulo.

Target aniya ng TWG, na makapagsagawa ng mga pulong sa mga stakeholder kahit sa kasagsagan ng session break sa ikalawang linggo ng Oktubre.

Sa kasalukuyan nasa P76, 363,780,049.43 ang kabuuang cash component ng coco levy asset na nasa kamay ng Bureau of Treasury habang mayroong kulang-kulang P300 bilyon na halaga ng property at cash sa ilalim ng government corporations.