House Bill 1026 na layong taasan ang buwis sa sin-products, inaprubahan ng House Committee on Ways and Means

Tuluyan nang inaprubahan ng House Committee on Ways and means ang House Bill 1026 ni Albay Representative Joey Salceda.

Ito ang panukala na naglalayong dagdagan ang ipinapataw na tax o buwis sa alcoholic products.

Sa organizational meeting ng komite ay napagkasunduan ng lahat ng miyembro na sundin ang Rule 10 Section 48 ng House Rules, kung saan ang mga panukalang batas na naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa noong 17th Congress ay kailangan na lamang dumaan sa isang committee hearing bago isalang sa plenaryo.

Ito ay sa kabila ng pagtutol ni Cagayan De Oro Representative Rufus Rodriguez.

Aniya, marapat na mabusisi niya at ng iba pang mambabatas na wala noong 17th congress ang panukala.

Sa ilalim ng panukala ni Salceda, bukod sa 40-60 increase sa tax ng alcohol at tobacco peoducts, ay magkakaroon din ng 10 percent sa indexation rate para makasabay sa epekto ng inflation at income.

Ayon kay Salceda, napagkasunduan ng mababang kapulungan na unahin muna ang pagpapasa sa mga tax revenue measures bago isunod ang proposed 2020 General Appropriations Act.