House Appropriations Committee, tinalakay ang pagpapalawig sa effectivity ng 2019 budget

Inaprubahan na ng House Committee on Appropriations ang resolution para sa consolidation ng dalawang resolusyon na layong i-extend ang validity ng 2019 National Budget.

Base sa House Resolutions 9 at 10, palalawigin ang validity ng kasalukuyang pambansang pondo nang hanggang December 31, 2019 partikular sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) at Capital Outlays.

Kung matatandaan, April 2019 lamang nang maaprubahan ang 2019 budget at naabutan pa ng election ban kaya’t maraming proyekto at programa ang hindi agad nasimulan.

Hanggang nitong September 2019, aabot pa sa P189.9 billion pesos ang unreleased funds, habang hanggang nitong June 30, 2019 ay nasa P1.16 trillion pesos naman ang un-obligated funds.

Hiling naman ng Department of Budget and Management, na sana ay huwag magpakampante ang mga ahensya dahil sa napipintong extension at dapat ay i-fast track pa rin nila ang pagpapatupad ng mga programa base sa pondo na inilaan sa kanila.